Expensive Day [Mahal Na Araw]
Tuesday, April 7th, 2009Mahal na araw na. Kung bakit tinawag na mahal na araw e di ko maipaliwanag. Pag iningles mo kasi ito ay Expensive Day. Ampangit pakinggan. Diba Holy Week ang tawag sa Ingles? Eh di dapat Banal na Linggo.
Kuwaresma. Semana Santa. Ito rin ang tawag ng iba. Ke ano pa itawag nila e wala na akong pakialam. Basta ito yung panahon na ginugunita natin ang paghihirap ni Papa Jesus para i-save ang pipol op da world na hitik na hitik na sa pagkakasala.
Hindi ako relihiyosong tao. Masasabi kong ang aking pananampalataya ay nasa aspeto ng pagiging ispiritwal. Yung tipong mas malalim kesa pagpunta-punta lang sa simbahan. Basta ang panuntunan ko lang sa buhay ay mamuhay ng mapayapa at walang inaagrabyadong ibang tao. Nagsisimba din naman ako pero hindi ganun kadalas. Hindi ako pasikat tulad ng ibang Kristiyano pagdating sa pagsamba. Being religious is totally different from being a spiritual person. You can be religious but definitely you can not always find your faith in a spiritual level. If you try to find the meaning of both words in the dictionary, they share almost the same meaning. But right now, I’m speaking about how people interpret their faith. Ayan, napa-inggles tuloy ako ng wala sa oras. Basta narinig ko lang yan sa isang preacher dati. Di ko rin marurok kung ano ang malalim na kahulugan nito.
Pwede mong ikumpara ang usaping relihiyon sa utot. Kapag ang utot mo ay malakas ang tunog, malamang walang amoy yun. Panindak lang. Supot. Naihahalintulad ito sa mga taong simba ng simba pero kulang sa totoong gawa ng pagiging tunay na kristiyano. Pasikat lang. Pero kapag utot mo’y de silencer, nakow maghanda ka na ng pantakip sa ilong mo. Panigurado, makamandag ang amoy nun. Lalo na yung utot na mainit-init pa. Ika nga nila e faith with substance. Oo, with substance kasi may kasamang pururut na yun. Ito yung tinatawag nilang wet n’ wild na utot. Ibig sabihin e tumakbo kana sa kubeta bago ka pa abutan ng delubyo. Pwede namang ikumpara ito sa mga taong tahimik lang na sumasamba pero gumagawa naman talaga ng kabutihan sa kapwa.
May mga tao kasing masyadong show-off sa pagpapakita ng kanilang pananampalataya. Relihiyoso daw silang matatawag kasi halos araw-araw mo silang makikita sa church. Laging may hawak na rosaryo with matching punas-punas pa sa mga rebulto ng mga santo. Araw-araw mo nga silang nakikita sa simbahan pero wag ka, mga balahura naman sila paglabas na paglabas sa bahay ng Diyos. Madami akong kilalang ganun. [background sound: Hi-hi-hi-hi…banal na aso! Santong kabayo!]
Mas gusto kong mapabilang dun sa mga taong tahimik lang pero rock. Bihira mo silang makikitang nagpupunta sa mga religous gatherings. Magugulat ka na lang, madami na pala silang natulungan. Mas astig sakin ang ganun.
Tuwing mahal na araw, madaming pamahiin. Naalala ko nung bata ako. Andaming bawal. Kapag panganay ka daw, wag ka daw lumabas ng bahay at baka makuhanan ka daw ng hibla ng buhok. Kapag nakuhanan ka daw kasi ng hibla ng buhok sa panahon ng kuwaresma tapos naitapon yun sa ilog, masisiraan ka daw ng bait. Praning na praning dati ang kuya ko dito. Takot na takot siyang lumabas ng bahay buong linggo ng mahal na araw nung mga bata pa kami. Baka nga naman mabuwang. Mahirap na.
Andyan din yung panakot ng mga matanda na kapag nasugatan ka daw e matagal itong maghilom. Natuwa naman ako dito kasi advantage ito para sakin. Tuwing inuutusan kasi ako nun na tumulong sa kusina e ito ang ginagamit kong dahilan. Baka nga naman masugatan ako ng kutsilyo. Ayun, nalilibre ako lagi sa gawaing bahay tuwing mahal na araw. Ayus.
Tuwing kuwaresma din naglalabasan ang mga birit queens. Eto yung marathon concert ng mga matatanda sa pagkanta ng pabasa. Walang binatbat sila Regine Velasquez at Sarah Geronimo. From dusk till dawn ito. Ihi lang ang pahinga. Sarap gawing soundtrip kapag gusto mong magpuyat sa paglalaro ng DOTA. At least di ka talaga makakatulog. Kesa bumili ka pa ng energy drink, eto ang libreng pampagising sayo kung gusto mong maglaro ng video games ng walang puknat. Ikaw ba naman ang makarinig sa magdamag ng palahaw ng mga kasali sa pabasa na parang ginagahasang pusa sa hatinggabi, tiyak insomnia ang aabutin mo. Ok yun.
Di rin mawawala yung mga nagpepenitensya. Sila yung gumagaya sa ginawang pagsasakripisyo ni papa Jesus. Andyan yung nagpapalatigo sila sa likod hanggang sa umabot sa finale ng pagpapako sa krus. Madaming gumagawa nito. Maganda sana kung sulitin nila yung pagsasakripisyong ito. Ba’t di sila magpawisik ng alcohol sa likod? Huwaw! Sulit yun.
Ako, dito lang ako sa bahay. Di ko na kelangang gawin ang extreme na ginagawa ng mga nagpepenitensya. Sapat na sakin yung maalala ang sakripisyo ni kristo sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa. Ito ang tunay na diwa ng mahal na araw. Syempre samahan ko na rin ng konting sakripisyo. Di na muna ako magbabrowse ng porno sites saka di na muna ako maglalaro ng DOTA. Playstation na lang muna.
Tanong ko lang: Kung may silya elektrika na kaya nung panahon ni papa Jesus at yun ang ginamit sa pag-execute sa kanya, magsasign of the cross pa rin kaya tayo ngayon?









